Bilang tugon sa bagong batas na ipinatupad ng pamahalaan, ang Municipal Treasurer’s Office ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mulanay, Quezon ay nag-aanunsyo ng pagpapatupad ng Real Property Tax Amnesty Program sa ilalim ng Republic Act No. 12001 o mas kilala bilang Real Property Valuation and Assessment Reform Act of 2024 (RPVARA Law). Sa bisa ng batas na ito, binibigyan ng dalawang (2) taon na palugit—mula Hulyo 5, 2024 hanggang Hulyo 5, 2026—ang lahat ng property owners para ayusin at bayaran ang kanilang naipong amilyar nang walang kasamang multa, surcharge, o interes. Isa itong malaking pagkakataon para sa mga mamamayan na makasunod sa kanilang obligasyong buwis nang hindi nabibigatan sa mga dagdag na bayarin.

Saklaw ng amnestiya ang lahat ng uri ng buwis sa ari-arian kabilang na ang basic real property tax, Special Education Fund (SEF) tax, idle land tax, at mga special levy taxes, kung mayroon man sa ilalim ng lokal na ordinansa. Ang mga buwis na hindi nabayaran bago ang Hunyo 30, 2024 ay puwedeng masaklaw ng amnestiyang ito. Bukod pa rito, may flexibility rin sa pagbabayad dahil maaari itong gawin nang buo (one-time payment) o installment basis, depende sa kapasidad ng taxpayer. Malinaw sa alituntunin ng batas na layunin nitong hikayatin ang voluntary compliance, mapababa ang real property tax delinquency, at mapalakas ang koleksyon ng lokal na pamahalaan.
Ang programang ito ay bahagi ng mas malawak na reporma sa real property tax system ng bansa, na layuning gawing makatarungan, maayos, at predictable ang valuation ng mga ari-arian. Pinapaalalahanan ang publiko na ito ay isang one-time opportunity, kaya’t nararapat lamang na ito ay samantalahin bago ang takdang petsa ng pagtatapos nito. Kapag lumagpas na ang Hulyo 5, 2026, ibabalik na ang lahat ng karampatang penalties at interes ayon sa umiiral na batas.
Para sa karagdagang impormasyon o assistance, maaaring tumawag sa Tanggapan ng Ingat-Yaman sa numerong 042-9110855, o bisitahin ang opisyal na website ng LGU sa www.mulanay.gov.ph. Sa bawat buwis na iyong binabayaran, kaakibat nito ang serbisyo at kaunlarang hatid ng lokal na pamahalaan.
+ There are no comments
Add yours