
Hunyo 26, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng ika-189 na ka-fiestahan ng Patrong San Pedro Apostol at selebrasyon ng Philippine Arbor Day 2024, isinagawa ang Motorcade at Bamboo Planting Activity sa Brgy. Sta. Rosa, Mulanay, Quezon. Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ni Mayor Kuya Aris Aguirre at nilahukan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, PNP, BFP, PUP Mulanay, ROTC, SK officials, DENR-CENRO Catanauan, at 1st Mulanay Eagles Club.
Ang gawaing ito ay bahagi ng mga flagship program ni Mayor Kuya Aris Aguirre na layuning paramihin ang kawayan sa Bayan ng Mulanay. Sa pamamagitan nito, isinusulong ang environmental conservation at isinusakatuparan ang mithiin na gawing Bamboo Capital ng Bondoc Peninsula ang Bayang ng Mulanay.
Mga Layunin ng Programang Kawayan (Bamboo Growing Project)
Kalikasan
Ang kawayan ay isang mahalagang bahagi ng ating kalikasan. Ito ay mabilis lumaki at may kakayahang sumipsip ng malaking pursyento ng carbon dioxide sa hangin, na tumutulong sa pagharap sa climate change. Bukod dito, ang kawayan ay nagpapatibay ng lupa at pumipigil sa soil erosion, na mahalaga lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo at pagbaha.
Kabuhayan
Malaki rin ang potensyal ng kawayan sa paglikha ng kabuhayan para sa mga mamamayan ng Mulanay. Sa pamamagitan ng pag-aalaga at pagproseso ng kawayan, maraming produktong maaaring gawin tulad ng muwebles, handicrafts, at construction materials. Ito ay nagbibigay ng oportunidad para sa mga lokal na magsasaka at mga manggagawa na kumita at magkaroon ng pangmatagalang hanapbuhay.
Kaunlaran
Ang pagpapalago ng industriya ng kawayan ay magdudulot ng kaunlaran sa Bayan ng Mulanay. Ang pagtataguyod ng bamboo industry ay maghihikayat ng mga investors at magbubukas ng mga bagong negosyo. Ito rin ay magpapalakas ng turismo dahil sa mga magagandang tanawin na likha ng mga bamboo plantations at mga produktong gawa sa kawayan.
Kinabukasan
Sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta at pagpapatupad ng mga programa para sa kawayan, sinisiguro natin ang mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon. Ang mga batang mamamayan ng Mulanay ay magkakaroon ng oportunidad na maranasan ang mga benepisyo ng isang malinis at luntian na kapaligiran, at mga programang pangkabuhayan na magbibigay daan sa mas maunlad na pamumuhay.
Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa mga gawaing tulad ng Motorcade at Bamboo Planting Activity ay patunay ng malalim na pagmamalasakit ng mga taga-Mulanay sa kalikasan at sa kanilang komunidad. Sa pangunguna ni Mayor Kuya Aris Aguirre at sa patuloy na suporta ng mga mamamayan, tiyak na magiging matagumpay ang adhikain na gawing Bamboo Capital ang Bayan ng Mulanay, na magdudulot ng pangmatagalang benepisyo para sa kalikasan, kabuhayan, kaunlaran, at kinabukasan ng lahat.








+ There are no comments
Add yours