Mulanay, Quezon – May 29, 2025
Isang makasaysayang araw para sa bayan ng Mulanay matapos ganapin ang Groundbreaking Ceremony ng Bagupaye to San Pedro Farm-to-Market Road with Bridge (PRDP Scale-up) nitong Huwebes, Mayo 29, sa Barangay San Pedro. Isinagawa ito sa harap ng mga lokal na opisyal, kinatawan ng Department of Agriculture (DA), at mga mamamayan sa barangay bilang benepisyaryo ng proyekto. Ito ang hudyat ng pagsisimula ng proyektong magsisilbing daan patungo sa isang mas ligtas, episyente, at progresibong Mulanay—isang bayan na aangat at aasenso kasama ang buong sambayanan.

Pinakamalaki sa Luzon, Pangalawa sa Bansa
Ang proyektong ito ay bahagi ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up (DA-PRDP) at tinatayang may kabuuang haba na 15.33 kilometro, na may halagang Php 495,675,169.82. Ito na ngayon ang pinakamalaking road project ng DA-PRDP sa Luzon at ikalawa sa buong Pilipinas, na pinondohan upang mapalakas ang imprastrakturang pang-agrikultura at mapadali ang transportasyon sa kanayunan.
Tatahak ang kalsada sa mga barangay ng Bagupaye, Cambuga, Mabini, at San Pedro, na pagdudugtungin ang magkabilang dulo na National Road ang Mulanay-San Francisco National Road at Mulanay-San Narciso Road. Ito ay isang estratehikong hakbang upang mas mapadali ang biyahe papunta sa mga sentrong pamilihang Bayan ng Mulanay, San Francisco, San Narciso at Catanauan.
Ginhawa para sa Libu-libong Mulanayin
Sa datos ng proyekto, tinatayang aabot sa 9,140 residente at 2,299 kabahayan ang direktang makikinabang dito. Ang dating higit isang oras na biyahe mula sa komunidad patungong pamilihan ay magiging 19 minuto na lamang. Malaki rin ang mababawas sa transportation loss, mula 2.3% ay magiging 1.2% na lamang, dahilan upang mas tumaas ang kita ng mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, hirap sa transportasyon ang mga mamamayan, lalo na kapag tag-ulan. Maputik at lubak-lubak ang daan habang ang mga tulay ay pansamantalang gawa lamang sa kawayan na isang panganib lalo na sa mga bata at matatanda.
Pahayag mula sa Lokal na Pamahalaan at DA
Ayon kay Mayor Aristotle “Kuya Aris” Aguirre:
“Nagpapasalamat kami sa Regional Project Advisory Board (RPAB) at DA-PRDP Calabarzon para sa suporta at tulong na natanggap para sa kapaki-pakinabang na proyektong ito. Tinitiyak ng ating LGU na tututukan ang implementasyon at susulitin ang mga oportunidad na hatid nito sa produksyon, marketing, at kabuhayan ng ating mga mamamayan.”
Dagdag pa rito, sinabi ni RPAB Chairperson at DA-4A Regional Executive Director Fidel Libao:
“Nagpapasalamat kami sa LGU ng Mulanay sa inisyatibo na magsumite ng proyektong ito. Atin po itong pagtulung-tulungan upang mas marami pang farmers ang umunlad at ma-encourage na mag-produce ng pagkain ngayong may faster and easier access na sila sa merkado.”
Pagpapatunay ng Transparency at Kaakibat na Dokumentasyon
Bilang pagtalima sa prinsipyo ng transparency at accountability, makikita ang buong detalye ng proyekto kabilang ang geotagged photos sa opisyal na DA-PRDP mapping platform. Ang publiko ay maaaring bumisita sa link na ito upang makita ang kasalukuyang lokasyon at dokumentasyon ng proyekto:
https://geomapping.da.gov.ph/prdp/dashboard

Isang Simula ng Mas Maunlad na Kinabukasan
Ang Bagupaye-San Pedro Farm-to-Market Road ay hindi lamang proyekto ng imprastraktura kundi isang konkretong patunay ng pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan tungo sa pag-unlad. Sa bawat kilometro ng bagong kalsadang itatayo, ay katuwang ang bawat Mulanayin sa paghubog ng mas maliwanag na kinabukasan.









+ There are no comments
Add yours