Sa pagsisimula ng School Year 2024-2025, muling nagpakita ng malasakit ang Lokal na Pamahalaan ng Mulanay, Quezon sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng school bags at iba pang gamit pang-eskwela para sa lahat ng Grade 1 students sa bayan. Ang programang ito, na naglalayong magbigay suporta sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang ay bahagi ng patuloy na inisyatiba nina Mayor Kuya Aris Aguirre at ng Sangguniang Bayan na pinamumunuan ni Vice Mayor Jay Esplana Castilleja.
Noong ika-29 ng Hulyo 2024, matagumpay na isinagawa ang pamamahagi ng mga gamit pang-eskwela sa Iba’t-ibang paaralan sa bayan ng Mulanay, Quezon. Ang nasabing proyekto ay naglalayong mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga magulang ngayong pasukan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang kagamitan sa mga batang nasa unang baitang.
Ang proyektong ito ay nasa ikalawang taon ng implementasyon, at patuloy na sinisiguro ni Mayor Kuya Aris Aguirre na magpapatuloy ito sa ilalim ng kanyang administrasyon. Inaasahang mahigit 1,300 Grade 1 learners mula sa iba’t ibang paaralan sa buong Bayan ng Mulanay ang makikinabang sa programang ito ngayong taon.
Ang sabayang pamamahagi ng mga school bags at supplies ay isang patunay ng dedikasyon ng LGU Mulanay sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga mamamayan, lalo na ang mga batang mag-aaral na siyang kinabukasan ng bayan. Sa pamamagitan ng mga inisyatibang katulad nito, masisiguro ang maayos na pagsisimula ng kanilang edukasyon at matutulungan ang mga magulang na harapin ang mga hamon ng bagong pasukan.
Ang Lokal na Pamahalaan ng Mulanay ay patuloy na magbibigay ng suporta sa sektor ng edukasyon bilang bahagi ng kanilang adhikain na maghatid ng dekalidad na serbisyo sa bawat Mulanayin.
+ There are no comments
Add yours