Sa ilalim ng temang “Sa POPCEN at CBMS, Kasama ka sa Pag-unlad Tungo sa Makabagong Pilipinas,” ipinababatid sa lahat ng mamamayan ng Bayan ng Mulanay na ang 2024 Census of Population at Community-Based Monitoring System (POPCEN-CBMS) ay magsisimula na. Ang enumeration ay magsisimula sa Hulyo 15, 2024. Layunin ng programang ito na makuha ang mga angkop at responsableng pagkalap ng impormasyon para sa maayos na serbisyo at upang matiyak ang inklusibong pag-unlad ng ating bayan.
Mahalaga ang Iyong Partisipasyon
Ipinababatid sa lahat ng mamamayan ng Bayan ng Mulanay na mayroong mga “enumerators” na pupunta sa inyong mga bahay upang isagawa ang CENSUS OF POPULATION at CBMS. Ang partisipasyon ng bawat isa ay napakahalaga upang makamit natin ang magandang bukas. Magpatala na sa census, at maging bahagi ng pagbabago!
Ang Layunin ng 2024 POPCEN-CBMS
Ang 2024 POPCEN-CBMS ay isang inisyatibo ng ating pamahalaan sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ang hangarin nito ay gawing mas epektibo ang pagtugon ng pamahalaan sa mga suliranin ng kahirapan at tiyakin ang inklusibong pag-unlad ng ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng programang ito, ang bawat sektor ng lipunan ay mapakikinggan at mabibigyan ng agarang atensyon ang kanilang mga isyu at pangangailangan.
Paano Gagamitin ang Nakalap na Impormasyon
Ang 2024 POPCEN-CBMS ay magagamit upang malaman kung sino ang mga kwalipikado para maging benepisyaryo ng mga social protection programs. Nangangalap ito ng pangsambahayang datos na may kaugnayan sa edukasyon, trabaho, kalusugan, seguridad sa pagkain, migrasyon, pangunahing serbisyo at tirahan, karanasan sa kalamidad, kapayapaan at kaayusan, pinagmumulan ng supply ng tubig at mga tubig inumin, at mga detalye ng palikuran at struktura ng tirahan.
Geotagging ng mga Pasilidad
Bukod dito, ang 2024 POPCEN-CBMS ay nagsasagawa din ng geotagging o pagmamapa ng mga gusali at pasilidad tulad ng mga ospital, eskwelahan, at iba pang mga establisyemento na naghahatid ng serbisyo ng pamahalaan. Ang layunin nito ay mapabilis at mapabuti ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa bawat mamamayan.
Ang Iyong Partisipasyon ang Susi sa Pagbabago
Hangarin ng gobyerno na mapakinggan ang bawat sektor ng lipunan at ang 2024 POPCEN-CBMS ang magsisilbing tulay ng mamamayan upang maipabatid sa pamahalaan ang mga isyu at suliraning nangangailangan ng agarang atensyon at solusyon. Sa pamamagitan ng iyong partisipasyon, magiging mas episyente at epektibo ang pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng bayan.
Sa darating na Hulyo 15, 2024, simulan natin ang pagbabago sa pamamagitan ng pakikilahok sa 2024 Census of Population at Community-Based Monitoring System. Kasama ka sa pag-unlad tungo sa makabagong Pilipinas!

+ There are no comments
Add yours